
NAVOTAS CITY — Muling pinatunayan ng Tangos 1 Elementary School ang husay at talento ng kanilang mga mag-aaral matapos magwagi sa katatapos lamang na Division Schools Press Conference (DSPC) noong Pebrero 15, 2025, sa Navotas National High School.
Ipinagmamalaki ng paaralan ang mga estudyanteng nagbigay ng karangalan sa iba’t ibang kategorya ng kompetisyon. Sa larangan ng photojournalism, nasungkit ni Niccolo Evans Jaime ang ika-9 na puwesto, habang si Franchesca Mae Cruz ay nagwagi ng ika-6 na puwesto sa pagsulat ng balita. Hindi rin nagpahuli si Shairalyn A. Dacoycoy na nakakuha ng ika-4 na puwesto sa pagsulat ng balitang agham, gayundin si Shekinah Valencia na nagwagi rin ng ika-4 na puwesto sa pagsulat ng balitang isports.
Samantala, isang malaking karangalan ang nakuha ni Liam Prince Go matapos niyang makuha ang ikatlong puwesto sa pagguhit ng larawang tudling, na siya ring magbibigay sa kanya ng pagkakataong maging isa sa mga kinatawan ng Navotas sa darating na Regional Schools Press Conference (RSPC).
Sa English category, nagpakitang-gilas din ang mga mag-aaral ng Tangos 1 Elementary School. Nakuha ni Axel Xynel A. Baluyut ang ika-10 puwesto sa sports writing, habang si Donnabel R. Albos ay nagwagi ng ika-6 na puwesto sa editorial writing. Si Prince Paulcris D. Mariano naman ay nagpakitang-gilas sa photojournalism matapos makuha ang ika-4 na puwesto. Samantala, nasungkit ni Gayle Khrizsea T. Faustino ang unang puwesto sa copy reading and headline writing, dahilan upang siya rin ay mapabilang sa mga kakatawan sa Navotas para sa RSPC.
Ang tagumpay ng mga mag-aaral ay hindi rin magiging posible kung wala ang patnubay at paggabay ng kanilang mga tagapagsanay. Pinangunahan nina G. Peter Carlo DG. Sevilla para sa Filipino at Gng. Maricar B. Villanueva para sa English.
Dahil sa kanilang mga natatanging tagumpay, ang mga nanalo ay bumisita at nag-courtesy call sa punong-guro ng paaralan na si Gng. Jasmin Senson, na buong pusong nagpahayag ng kanyang pagmamalaki sa kanilang husay at dedikasyon.
Patunay lamang ito na sa pamamagitan ng tiyaga, dedikasyon, at pagsasanay, kayang makamit ng bawat mag-aaral ng Tangos 1 Elementary School ang tagumpay sa larangan ng pamamahayag. Ang buong paaralan ay patuloy na magbibigay suporta at inspirasyon sa kanilang mga estudyante upang higit pang paghusayin ang kanilang kakayahan sa larangan ng campus journalism.

