
Navotas City — Matagumpay na isinagawa ng Tangos 1 Elementary School ang Moving-Up Ceremony ng 156 mag-aaral sa Kindergarten kahapon. Tatlong batch ng seremonya ang ginanap sa paaralan upang masiguro ang maayos at ligtas na daloy ng programa — alas 7:00 ng umaga, alas 9:00 ng umaga, at alas 11:00 ng tanghali.
Pinangunahan ang makabuluhang selebrasyon ng mga guro sa kindergarten na sina Ma’am Michelle Casidsid, Ma’am Joy Arañez, at Ma’am Evelyn Tabilog. Ang bawat seremonya ay naging masaya at makulay, na puno ng ngiti at emosyon mula sa mga batang mag-aaral na opisyal nang nagtapos sa kindergarten.
Hindi naman matago ang kagalakan sa mukha ng mga magulang na buong suporta ring dumalo upang saksihan ang mahalagang yugto sa buhay ng kanilang mga anak.
Pinarangalan din ang programa ng presensya ng mga panauhing pandangal na pinangungunahan ng punung-guro ng paaralan Jasmin L. Senson, kasama sina Public Schools District Supervisor (PSDS) Ma’am Fresnedi V. Natividad, at mga Master Teacher na sina Sir Jeodhel Sestoso, Ma’am Jocelyn Mora, at Ma’am Maria Leonora Vega.
Ang moving-up ceremony ay naging patunay ng pagkakaisa at pagtutulungan ng paaralan, mga guro, at mga magulang sa pagbibigay ng magandang simula sa edukasyon ng mga kabataan sa Navotas City.
Muli, isang mainit na pagbati sa 156 mag-aaral ng kindergarten — ang inyong tagumpay ay tagumpay ng buong komunidad!

