Binalot ng tawanan, sayawan at papremyo ang ginanap na Family Fun Day 2025 sa Tangos 1 Elementary School noong Marso 29, 2025 na dinaluhan ng mga mag-aaral kasama ang kanilang buong pamilya.
Pormal na nagsimula ang programa ng alas-7 ng umaga, na pinangunahan ni G. Jeodhel Sestoso. Sa pagsisimula nito, nagbigay ng mainit na pagbati ang punong-guro ng paaralan na si Gng. Jasmin Senson, kasama ang mga master teacher na sina Gng. Jocelyn Mora, Gng. Neth Agustin, at Gng. Ma. Leonora Vega.
Puno ng saya at kasiyahan ang buong araw sa dami ng inihandang aktibidad. Tampok sa programa ang mga makukulay na pagtatanghal ng sayaw mula sa bawat grade level, na siyang nagpasigla at nagbigay-aliw sa mga panauhin. Hindi rin nagpahuli ang mga guro sa pamimigay ng raffle prizes, na labis na ikinatuwa ng mga pamilyang maswerteng nabunot.
Isa sa mga pinakaabangang bahagi ng programa ay ang pagkilala sa may pinakamaraming dumalong mag-aaral at pamilya, na iginawad sa grupo ng Grade Six. Bukod pa rito, may kanya-kanyang booth din ang bawat baitang kung saan maaaring maglaro at manalo ng premyo ang mga bisita. Maari namang makabili ng masasarap na pagkain at inumin sa Canteen Booth na dinagsa rin ng mga tao.
Bagama’t naging makulimlim ang panahon, hindi nito napigilan ang sigla ng mga dumalo. Sa halip, mas lalo pang naging makabuluhan ang pagtitipon na muling nagpapatunay ng matibay na ugnayan ng paaralan at mga pamilya.
Isang matagumpay at di malilimutang alaala ang naitala sa Family Fun Day 2025 – isang araw ng pagtawa, pagkakaisa, at pagmamahalan sa Tangos 1 Elementary School.