
NAVOTAS CITY – Buong sigla at pagkakaisa ang ipinamalas ng Tangos 1 Elementary School sa matagumpay na pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan 2025, na may temang “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas sa Bagong Pilipinas.” Sa loob ng isang buwang selebrasyon, isinagawa ang iba’t ibang makabuluhang aktibidad upang bigyang-diin ang kahalagahan ng kababaihan sa lipunan.
Pormal na binuksan ang pagdiriwang noong Marso 3 kasabay ng flag ceremony ng pang umagang klase sa ganap na alas-6 ng umaga. Dito, binigyang-pugay ang mga kababaihang patuloy na nag-aambag sa iba’t ibang larangan ng pamayanan.

Noong Marso 5, mas pinatibay ang kamalayan ng mga mag-aaral at guro tungkol sa adbokasiya ng kababaihan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng informational ads sa loob ng paaralan. Kasabay nito, inilunsad din ang isang photo booth, kung saan maaaring kumuha ng larawan ang mga estudyante at guro bilang bahagi ng selebrasyon.

Sa layuning hikayatin ang malikhaing pagpapahayag ng mga mag-aaral, isinagawa noong Marso 12 ang bookmark-making activity para sa mga mag-aaral sa primary level, habang ang mga mag-aaral sa intermediate level ay sumabak sa isang poster-making contest. Ang mga gawa ng mga mag-aaral ay nagpakita ng kanilang pagpapahalaga sa papel ng kababaihan sa paghubog ng isang progresibong lipunan.
Bilang pangwakas na gawain, isang seminar ang isinagawa noong Marso 26, sa pangunguna ng GAD (Gender and Development) Coordinator na si Ms. Lovelyn Bonsa, katuwang ang kanyang mga kapwa admin staff na sina Gladilyn Abiog at Christine Bien Castro. Dito, tinalakay ang mahahalagang isyu tungkol sa gender equality, empowerment ng kababaihan, at kanilang kontribusyon sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Ang matagumpay na selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan sa Tangos 1 Elementary School ay isang patunay na ang pagkilala at pagpapahalaga sa kakayahan ng kababaihan ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibo at maunlad na hinaharap.