Menu
Philippine Standard Time:

SCHOOL HISTORY

MULA SA NAVOTAS HISTORICAL COMMISSION

Noong Disyembre 12, 1948, ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Elpidio Quirino ay naghayag ng isang Pampangulong proklamasyon Blg. 96 at 263 na nagkakaloob ng kabuuang 25,410 ektaryang lupain sa Paaralang Elementarya ng Tangos 1. Nangyari ito sa panahong si G. Fabio Ablola ang Tagamasid Pampurok ng buong Navotas at si G. Alejandro Santos ang punung-guro.

Taong 1950, nagsimula sa isang gusaling may dalawang silid-aralan ang paaralan na itinayo para sa mga mag-aaral mula sa ikatlo at ika-apat na baitang. Ang mga mag-aaral na nasa ibang baitang ay pumapasok sa Paaralang Elementarya ng Tangos (Mother). Ngunit dahil sa malawak na lupaing nasasakupan nito, ang mga mag-aaral ng ika-anim na baitang ng Paaralang Elementarya ng Tangos (Mother) ay dito nagdaraos ng kanilang Araw ng Pagtatapos. 

Di nagtagal nagbukas na rin ang ikalima at ika-anim na baitang sa paaralan dahil nahihirapang makapasok ang mga mag-aaral sa orihinal na Paaralang Elementaryang Tangos (Mother) dahil sa layo nito. 

Tulong-tulong ang mga mag-aaral na ito sa pagtatambak ng mga lata-latang buhangin mula sabaybayin ng Manila Bay upang mapataas ang lupain ng paaralan. Pinalibutan ng konkretong pader ang paaralan upang hindi ito magamit ng mga tao bilang daanan mula sa punduhan patungo sa pangunahing daan.

Noong 1962, ito ay naging ganap na Paaralang Elementarya sa ilalim ni G. Serafin del Rosario bilang punong-guro at ni Dr. Carmen Llnera bilang tagamasid Pampurok ng Ikalawang Distrito ng Navotas.

Noong 1977, Hiniling ng yumaong Dr. Felipe Neri A. Del Rosario, dating alkalde ng Navotas, na ang isang bahagi ng Paaralang Elementarya ng Tangos 1 ay pansamantalang pagtayuan ng bahay ng mga nasunugan sa Tangos sa loob lamang ng anim na buwan, subalit nananatili pa rin silang nakatira dito hanggang sa kasalukuyan na ngayon ay tinatawag nang ERC o Emergency Relocation Center.

Noong 1990 ang Old Rodriguez Building, Filipino – Chinese Federation Building at ang Industrial Arts Building ay inokupahan ng noo’y Navotas National High School at di naglaon ay pinatayuan ng dalawang palapag na gusali na siyang tinatawag na ngayong Tangos National High School.

Sa kasalukuyan, ang Paaralang Elementarya ng Tangos I ay binubuo na ng 3 gusali na may apat na palapag na tinatawag na mga DEPED Buildings, Administrative Building na ipinagkaloob ng yumaong Donya Engracia Reyes, Angat Navotas Multi- Purpose Building, at Home Economic Building na ngayo’y nagsisilbing canteen ng paaralan.

Nagpapatuloy ang pagpapaganda sa malawak na lupain ng Tangos 1 upang maihatid ang de kalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral mula ngayon hanggang sa mga susunod na henerasyon.